24
 1 Ang buong lupain ay kay Yahweh, ang daigdig at ang lahat ng naninirahan dito.  2 Dahil itinatag niya ito sa mga karagatan at itinaguyod sa mga ilog.  3 Sino ang aakyat sa bundok ni Yahweh? Sino ang tatayo sa kaniyang banal na lugar?  4 Siya na may malinis na mga kamay at dalisay na puso; siyang hindi nagtatanghal ng mga kasinungalingan, at hindi nanunumpa para lang manlinlang.  5 Makatatanggap siya ng pagpapala mula kay Yahweh at katuwiran mula sa Diyos ng kaniyang kaligtasan.  6 Iyan ang salinlahi ng mga naghahanap sa kaniya, sila na humahanap sa mukha ng Diyos ni Jacob. Selah  7 Bumukas kayo, kayong mga tarangkahan, bumukas kayo, kayong walang-hanggang mga pintuan, para ang Hari ng kaluwalhatian ay makapasok!  8 Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Si Yahweh, ang malakas at makapangyarihan; si Yahweh, ang makapangyarihan sa digmaan.  9 Bumukas kayo, kayong mga tarangkahan, bumukas kayo, kayong walang-hanggang mga pintuan, para ang Hari ng kaluwalhatian ay makapasok!  10 Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Si Yahweh ng mga hukbo, siya ang Hari ng kaluwalhatian. Selah