28
 1 Sa iyo, Yahweh, ako ay umiiyak; aking malaking Muog, huwag mo akong pabayaan. Kung hindi mo ako tutugunan, mabibilang ako sa mga bumababa sa libingan.  2 Dinggin ang tinig ng aking pagsusumamo kapag ako ay humihingi ng tulong sa iyo, kapag itinataas ko ang aking mga kamay sa iyong pinakabanal na lugar!  3 Huwag mo akong kaladkarin palayo kasama ng masasama, silang gumagawa ng malaking kasalanan, na nagsasalita ng kapayapaan sa kanilang kapwa pero may kasamaan sa kanilang mga puso.  4 Ibigay sa kanila kung ano ang nararapat sa kanilang mga gawa at ibalik sa kanila kung ano ang hinihingi ng kanilang kasamaan; ibalik sa kanila ang mga gawa ng kanilang mga kamay; igawad sa kanila ang nararapat.  5 Dahil hindi nila nauunawaan ang mga paraan ni Yahweh o ang gawa ng kaniyang mga kamay, sila ay kaniyang pupuksain at hindi kailanman itatayong muli.  6 Pagpalain si Yahweh dahil dininig niya ang tinig ng aking pagsusumamo!  7 Si Yahweh ang aking kalakasan at ang aking kalasag; ang puso ko ay nagtitiwala sa kaniya, at tinulungan ako. Kaya labis na nagagalak ang aking puso, at pupurihin ko siya nang may pag-awit.  8 Si Yahweh ang kalakasan ng kaniyang bayan, at kanlungang nagliligtas sa kaniyang hinirang.  9 Iligtas mo ang iyong bayan at pagpalain ang iyong pamana. kayo ay maging pastol nila at aalagaan sila magpakailanman.