29
 1 Kilalanin na si Yahweh— kayo na mga anak ng makapangyarihan— kilalanin na si Yahweh ay may kaluwalhatian at kapangyarihan!  2 Ibigay kay Yahweh ang karangalan na nararapat sa kaniyang pangalan; sambahin si Yahweh sa pananamit na naaangkop para sa kaniyang kabanalan.  3 Ang tinig ni Yahweh ay naririnig sa ibabaw ng mga katubigan; dumadagundong ang Diyos ng kaluwalhatian, dumadagundong si Yahweh sa ibabaw ng katubigan.  4 Ang tinig ni Yahweh ay makapangyarihan; ang tinig ni Yahweh ay kamangha-mangha. Ang tinig ni Yahweh ay nakawawasak ng mga sedar;  5 Ang tinig ni Yahweh ay napagpipira-piraso ang mga sedar ng Lebanon.  6 Pinalulukso niya ang Lebanon tulad ng isang guya at ang Sirion tulad ng isang batang baka.  7 Bumubuga ng lumalagablab na apoy ang tinig ni Yahweh.  8 Ang tinig ni Yahweh ang yumayanig sa ilang; si Yahweh ang yumayanig sa ilang ng Kades.  9 Ang tinig ni Yahweh ang nagdudulot na manganak ang babaeng usa; kinakalbo nito ang mga gubat; pero sa kaniyang templo ang lahat ay nagsasabing, “Kaluwalhatian!”  10 Si Yahweh ay umuupo bilang hari sa ibabaw ng baha; si Yahweh ay umuupo bilang hari magpakailanman.  11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kaniyang bayan; Pinagpapala ni Yahweh ng kapayapaan ang kaniyang bayan.